Opinion

Finding Nepo

Ginawang pundasyon ng kumikinang na takong ang mga kabahayang nasa laylayan hindi lang upang manatiling nasa rurok kundi upang maging matatag sa rumaragasang baha.

Patuloy na umaalingawngaw ang kanilang mga yabag sa social media upang ipangalandakan ang pamumuhay na puno ng kolorete ngunit hindi maikakailang kuwestiyonable. Sa pag-aakalang mapupunta at mabibigyan ng pansin ang mga saklolo upang ayusin ang kalsada at drainage systems na hindi tinitipid ang kalidad, mas agaw-pansin ang kutitap ng designer bags, matatayog na mansyon, at lavish lifestyle ng mga anak ng politiko na wala ibang ginawa kundi mag-ingay at maging manhid sa sitwasyong nangyayari sa panahon ngayon.

At habang inaanod at nilulunok ng tubig-baha ang buhay at bahay ng mga maralita, lumulutang sa isip ang katanungang: saan napunta ang bilyong pondo ng flood control projects? Ayon sa imbestigasyon ng senado, Bureau of Internal Revenue (BIR), at Philippines Center for Investigative Journalism (PCIJ), paulit-ulit umano itong umaapaw at dumadaluyong sa bulsa ng iilang kompanyang konektado sa mga angkang ngayo’y kinatatampulan ng ‘nepo babies’ scandal.


Bilang ng Hakbang

Sa pagbibigay ng oportunidad para sa mga gahaman sa salapi kada taon, hindi matatapos ang mapagbalat-kayong proyekto at hakbang upang kurakutin ang kaban ng bayan.

Ayon sa datos mula taong 2022 hanggang 2025, daan-daan bilyong piso ang iwinasiwas ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga proyekto upang sugpuin ang baha. Ngunit nang ito’y halughugin ng PCIJ, lumabas na labinlimang contractor o kontratista lamang ang nagpakasasa sa napakalaking bahagi ng pondong ito.

Kabilang na rito ang Hi-Tone Construction na pagmamay-ari ni Christopher Co na kapatid ni Ako Bicol (AKB) Representative Zaldy Co, Centerways Construction, at siyam na kompanyang inuugnay kay Sarah Discaya, ang sumalo sa humigit-kumulang 100 bilyong piso, o 20% ng kabuoang pondong 545 bilyong piso. Nagdemanda ng subpoena ang senado sa mga contractor na pauilit-ulit na nagbibingi-bingihan upang maiwasan ang pagdinig at nasa proseso na rin ang pag-imbestiga’t pagsisiyasat sa mga kayamanang hindi kapani-paniwala sa mata ng publiko.

Panahon na upang ilayo ang maruming kamay ng mga politiko at contractor sa sagradong kaban. Wala rin silang karapatan upang iladlad ito sa masa upang magmistulang alkansya na kahit katiting na luha, dugo, at pawis, ay wala silang ibinuhos at itinaktak. Kung ang hindi dalisay na pamamahala ay manatiling epidemya at maging normal na lamang sa karamihan, wala na ring saysay manirahan sa Pilipinas na kalauna’y magiging kayumangging dagat ng korapsyon.

Sa huli, ang mga kontratang dapat sana’y nagsilbing hakbang at sasaid ng delubyo ay tila naging maligayang tampisaw ng karangyaan para sa mga swapang at sugapa sa salapi.  


Bigat ng Takong

Ang imahen ng isang babaeng naglalakad gamit ang mamahaling sandals habang may krisis ang bansa ay masyadong matingkad para hindi maging simbolo ng kawalang-konsensya.

Hindi lingid sa ating kaalaman ang lumalangitngit na galit ng publiko matapos kumalat ang mga video ni Claudine Co, anak ng may ari at co-founder ng Hi-Tone Construction & Development Corp na si Christopher Co, na nakasuot ng Chanel boots na nagkakahalaga ng higit P100,000 at Dior Vest na higit P200,000 ang presyo–mga produktong higit pa sa isang taon na kita ng karaniwang manggagawa. Para sa ilan, maaaring ito’y personal na pera, ngunit sa mausisang mata ng nakararami, ito’y luho na hindi mahihiwalay sa kanilang pamilya na nakikinabang sa kontratang pampubliko.

Ngunit sa kabila ng daan-daang proyekto, nanatiling kathang-isip ang seguridad ng nakararami lalong-lalo na sa Bicol, Bulacan, at Pampanga kung saan nagmistulang niragasa ng daluyong na para bang walang pondong kumalansing galing sa kahera.

Ang kanilang bawat hakbang ay hindi lamang pagyurak sa proyekto kundi sa mismong tiwala ng mamamayan. Ang ipinagmamalaking flood control projects ay tila naging kasangkapan upang isiwalat ang kapangyarihan at kayamanan ng iilan. Kaya’t imbis na gumaan ang pakiramdam ng publiko na may ginagawa ang gobyerno laban sa krisis na ito ay mas lalo naging pabigat na nakadagan sa batok ng mga mahihirap.

Ang mamahaling bota at mga gamit na ipinarada sa mga vlog ay hindi simpleng porma o luho; isa itong simbolo ng kawalang-hiyaan. Habang ang publiko ay nakapila sa relief goods at lumulusong sa lubog na kalyeng sa simula pa lang ay hindi na dapat nila nararanasan, may mga elitistang ginagawa itong fashion runway sa kabila ng halinghing at palahaw ng mga batang napikot sa malubhang sitwasyon.  


Pagtisod sa Inhustisya

Kung walang magpapadapa sa matayog at taas-noo nilang pangangasiwa, mananatiling nakalubog pa rin tayo hindi lamang sa baha kundi pati sa ilalim ng kanilang mga paa.

Nakasaad mismo sa Republic Act 6713, Section 3(h): “Public officials and employees and their families shall lead modest lives… They shall not indulge in extravagant or ostentatious display of wealth in any form.”

Kaya naman, ang pera ng publiko ay para lamang sa pampublikong kaligtasan, hindi para sa pampublikong pribilehiyo na tinatamasa ng mga ganid at gahaman. Kaya ang pribilehiyong ito ay dapat alisin hindi lamang sa entablado ng social media kundi pati na rin sa estruktura ng pamahalaan.

Ang ’nepo babies’ scandal ay hindi isang simpleng alamat ng mga batang isinilang na may gintong kutsara—ito ay kuwentong naisiwalat ng isang bansang binaha hindi lamang ng ulan, kundi pati ng kawalang katarungan.

Ang takong ay matayog, mabigat, at makintab ngunit posible itong mabali kung sapat na ang galit ng mamamayan at patas na ang hustisya. At hanggang hindi ito tuluyang matalisod at madapa, patuloy tayong lalangoy sa putik ng kahirapan at tuluyan nang makalimutan.


via Joshua Orante, Copy Editor &

James Edward Tambobong, EIC

Dibuho ni Justin Salvatierra, Online Content Editor


Comments